Totoy at Gina
Si Gina ay may pangarap;
Maging tanyag na doktor, kaniyang inaasam.
Magiting na nag-aaral,
Lumalaban para sa pangarap.
Masayang naglalakbay
Patungo sa mithiing inaasam.
Lingid sa kaniyang kaalaman
Na ang daan patungo, ay haharangan
Babarikadahan ng asul na tela; hihilahin palabas,
Hahawakan at hahalayin.
Nang siya’y manglaban,
Hambalos, dura, at tawa, kaniyang nadinig
Putok ng ari’t pulbura,
Bumungad sa gitna ng kaniyang mga mata.
Asul nga ba ang tela ng uniporme,
O dugong nagngangalit
Ng mamamayang nakahandusay;
Nanlalamig at nagngangalit?
Sa kabilang dako,
Si Totoy ay may pangarap.
Makitang masaya ang bawat isa
Sa mga kapamilya’y kaniyang hinahangad.
Bilang salubong sa bagong taon
Paputok, nais niyang ipakawala
Lingid sa kaniyang kaalaman,
Siya ang puputukan.
Pulburang pumagitna sa kaniyang mga mata,
Imbis na sa langit, siya’y pumalangit.
Sa kaniyang mga mata,
Ang huling nabingwit ng sinag ng araw,
Ay ang asul na unipormeng
Kumikinang sa liwanag
Astang diyos sa tindig,
Sing sikat ng araw
Ngunit, asul nga ba ang kulay,
At hindi pula?